UMABOT na sa mahigit P7 billion ang kabuuang tax liability mula sa mga nakumpiskang illicit cigarettes at vape products, ayon sa Bureau of Internal Revenue (BIR).
“Ito pong nahuli natin ngayong taon pa lang na ito ay marami-rami na ‘no. Sa sigarilyo, mahigit 500,000 pakete na ng sigarilyo ang nakumpiska natin. At dito naman sa vape products, mahigit mga 170,000 na po na produkto ang nakumpiska natin. At lahat po niyan ang estimated tax liability ay nasa P7.2 billion na po,” pahayag ni Lumagui sa Bagong Pilipinas Ngayon briefing noong Huwebes.
Sinabi ni Lumagui na nagsasagawa ang BIR ng mga pagsalakay sa buong bansa, na bahagi ng whole-of-government coordination efforts sa kampanya laban sa illicit trade na ipinag-utos ni Presidente Ferdinand R. Marcos Jr.
“Marami po tayong ginagawa diyan nationwide at sabay-sabay po iyan at sinisigurado po natin na napupuntahan po natin ang mga nagbebenta, hindi lamang po sa mga retail pati na rin sa mga warehouses at iyong mga malalakihan po na mga nagbebenta ng iligal na mga sigarilyo at vape. Nandiyan na rin po ang mga inisyu po natin na mga regulations para mas matutukan po ang pagmo-monitor ng mga nagma-manufacture, nag-i-import, at nagbebenta ng mga vape at sigarilyo,” ani Lumagui.
Ni-require din ng BIR ang lahat ng vape products na ibinebenta sa local market na maglagay ng internal revenue stamps simula sa June 1.
Ang vape importers at manufacturers ay binigyan ng pagkakataon na mag-order mg naturang internal revenue stamps magmula noong Mayo 8.
Ipinapalagay ng BIR na ang anumang vape product na hindi nagtataglay ng BIR stamps ay hindi nagbayad ng hinihinging excise tax.
Nagbabala si Lumagui na ang paglabag sa mandatory internal revenue stamps sa vape products ay magreresulta sa pagkumpiska sa illicit vape products at pagsasampa ng kasong kriminal laban sa mga negosyante at may-ari ng illicit vape products.
(PNA)