CAMARINES SUR-TINATAYANG aabot sa P7,243,000.00 halaga ng shabu ang nakumpiska ng mga tauhan ni PNP-PRO5 Director BGen Jonnel Estomo sa anim na drug personalities sa ikinasang anti Narcotics operation katuwang ang PDEA ROV.
Sa ulat na isinumite kay Bicol PNP chief, dalawang drug pusher ang nahulihan ng 100 gramo ng shabu matapos na bentahan ang police na nagpanggap na poseur buyer.
Kinilala ang mga suspek na sina Hiroji Tesorero y Clarion, 39 anyos, residente ng Santiago 3 St. Brgy. Peñafrancia, Naga City at ang kasama nitong si Froilan Teves y Tud, 41-anyos, tubong Brgy. Timbang, Minalabac, Camarines Sur.
Nakumpiskahan din ang mga suspek ng 6 pang selyadong transparent na plastik na naglalaman ng shabu na may bigat na 900 gramo na nagkakahalaga ng P6,800,000.00.
Ang isa sa mga suspek na si Tesorero ay nagsisilbing local drug group na nanggagaling pa ang suplay sa Maynila.
Samantala, humigit-kumulang sa 55 gramo ng droga ang nakumpiska sa tatlong pang tulak sa inilatag na buy-bust operation ng PNP Bicol at PDEA dakong alas-3:30 ng hapon sa Zone 6, Brgy. Sta. Salud, Calabanga, Camarines Sur.
Kinilala ang mga suspek na sina Rey Viola y Sales, 42-anyos, tubong Brgy. Sta. Salud; Mark Capricho y Bersoza, 33-anyos; nakatira sa Brgy. Sta. Salud at Christopher Aborde y Barcenas, 37-anyos, residente naman ng Brgy. Bigaas sa munisipalidad ng Calabanga, Camarines Sur.
Umabot sa P374,000.00 ang halaga ng droga ang narekober sa mga suspek .
Sa Camarines Norte, dakong alas-10:20 ng umaga, isang regional level high value individual ang tiklo sa inihaing search warrant ng mga awtoridad sa suspek na si Ace Moral y Ibasco aka “Pais”, 33-anyos, residente ng Purok 1, Sitio Coloran, Brgy Tugos, Paracale, Camarines Norte.
Bumungad sa mga operatiba sa loob ng bahay ng suspek ang 2 plastic ng shabu na may bigat na 10 gramo na nagkakahalaga naman ng P68,000.00.
Ang mga naarestong indibidwal ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002). VERLIN RUIZ