P7.3-B SMUGGLED UNDERWEARS NADISKUBRE

TINATAYANG aabot sa P7.3 bilyong halaga ng smuggled at counterfeit underwears, medyas at assorted merchandise ang nadiskubre ng mga tauhan ng Bureau of Customs sa mga sinalakay na bodega sa Caloocan at Bulacan.

Sa report na isinumite sa tanggapan ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio, nagsagawa ng sabay-sabay na warehouse raids ang Bureau of Customs – Manila International Container Port (BOC-MICP) sa Bocaue, Bulacan at Caloocan na naging daan para matuklasan ang mga pekeng produkto gaya ng underwear, hardware products, at iba pang gamit.

Ayon kay Rubio, ang operasyon ay isang mahalagang hakbang sa patuloy na pagsisikap na ganap na matuldukan ang pagdagsa ng mga smuggled goods sa bansa kaya inatasan nito ang BOC Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port (CIIS-MICP).

Sa operasyon sa Caloocan City, natuklasan ng mga awtoridad ang 3,500 bale ng mga pekeng underwear at medyas na may mga tatak ng sikat na brand na tinatayang nasa P4.3 bilyon ang halaga.

Sa karagdagang pagsisiyasat sa iba pang mga bodega, natuklasan din ang mga karagdagang ipinagbabawal na produkto na nagkakahalaga ng P70 milyon, kabilang ang mga pambabaeng sandals, speaker, food items, industrial pipe fittings, at sanitary kitchenware.

Habang ang isa pang operasyon sa mga bodega sa Bocaue, Bulacan ay humantong din sa pagkakadiskubre ng iba’t ibang gamit na aabot sa P3 bilyon.

Kasama sa mga produkto na ito ang mga gamit sa kusina, liquid detergents, playing cards, hardware materials, appliances, clothing apparel, laruan, computer accessories, gadget, cosmetics, school supplies, plastic wares, power tools, mosquito coils, swimming vest and pools, mga laruan, scented candles, party materials, skateboard at alkansya, cash box, tent, at iba pang pangkalahatang paninda.
VERLIN RUIZ