CAVITE -ISANG delivery package na naglalaman ng P7.866 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa 29-anyos na bebot sa isinagawang anti-illegal drug operation ng mga awtoridad sa Magdiwang Subd., Brgy. Queen’s Row, Bacoor City kamakalawa ng hapon.
Base sa police report mula sa Camp Pantaleon Garcia sa Imus City, isinagawa ang drug bust operation sa No.187 Queen’s Row Street, Brgy. Queen’s Row Central sa Bacoor City makaraang makatanggap ng impormasyon ang pinagsanib na puwersa ng PDEA RO III, PDEA Clark Inter Agency Drug Interdiction Task Group, Bureau of Customs, Port of Clark, at Bacoor SDEU.
Nasakote ang suspek na si Noelle Denise Azul ng B11 L23 Magdiwang Subd. sa nasabing barangay kung saan nakumpiska ang 1.140 kilo shbu na may street value na P7.866 milyon.
Batay sa ulat, nakatakas naman ang isa pang suspek na si Octavia Dela Cruz, 30-anyos ng nasabi ring barangay at sinasabing tunay na may-ari ng bahay habang si Azul ay nakikitira lang dito.
Napag-alamang nagmula sa London ang pakete na dumating nitong Setyembre 23 kung saan idineklarang “baby soft toys” kaya isinailalim sa physical examination dahil sa kahina-hinalang bagay na lumabas sa X-ray inspection na may shabu.
Dito na isinagawa ng mga awtoridad ang controlled delivery operation sa bahay ni Octavia subalit ang tumanggap ng pakete ay si Azul na walang kaalam-alam sa droga dahil binigyan lamang ito ng authorization na tanggapin ang delivery package.
Narekober ang pakete na may dalawang light green stuffed toys na naglalaman ng 6 plastic bags na may 1.140 kilong shabu, 6 pirasong identification cards, at isang cellular phone. MHAR BASCO