P7.96-B PINSALA NG EL NIÑO SA AGRI

EL NIÑO-3

UMAABOT na sa P7.96 billion ang tinatayang pinsala ng El Niño o mahabang tagtuyot sa bansa, ayon sa Department of Agriculture (DA).

Sa paglulunsad ng ­Filipinas Agila Tires sa Ortigas, Pasig City, sinabi ni  Agriculture Secretary Emmanuel ‘Manny’ Piñol na sinira ng El Niño ang may 277,890 ektaryang farmlands na tinaniman ng tinatayang 268,656 metric tons (MT) ng mga pananim, ka­ramihan ay palay at mais, at nakaapekto sa may 247,610 farmers at fisherfolks.

“For rice alone, the DA recorded PHP4.04 billion in losses, with the weather phenomenon affecting 140,387 farmers and 144,202 hectares of farms, which could have yielded 191,761 MT, or 0.96 percent of the target annual production of the crop,” ayon kay Piñol.

Samantala, ang pinsala sa mais ay nagkakahalaga ng P3.89 billion, kung saan naapektuhan ng El Niño ang may 105,937 mag-sasaka at 133,007 ektaryang taniman. Ang volume loss ay inilagay sa 254,766 MT, o 2.95 percent ng annual production target.

Sinabi ni Piñol na sa kabila ng epekto ng El Niño sa rice at corn production, ang kani-kanilang production targets ay maaari pa ring matamo ng 20 million MT para sa bigas at 8.64 million MT para sa mais.

Aniya, nakapagbigay na ng suporta ang DA sa mga mangingisda at magsasaka na naapektuhan ng El Niño, kung saan nagpalabas na ang ahensiya ng P360 million sa insu­rance payments at emergency loans.

Sa kasalukuyan, sinabi ni Piñol na ang Agricultural Credit Policy Council (ACPC) ay naglaan ng P95.875 million na financial assistance sa ilalim ng Survival and Recovery Assistance (SURE) program para sa may 3,835 apektadong magsasaka.

Bukod dito, ang Philippine Crop Insurance Corp. (PCIC) ay nagbayad din ng P264.515 million sa may 24,119 farmers.

Nagsagawa rin ng cloud seeding operations upang magkaloob ng artificial rain sa mga magsasaka na nangangailangan ng ulan para sa kanilang mga pananim. Ang  Region 2 (Cagayan Valley) ay nagsagawa ng 17 sorties, na nagresulta sa pagtaas ng water levels ng Magat Dam.

Samantala, ang Regions 11 (Davao Region) at 12 (Soccsksargen) ay nagsagawa ng limang sorties sa agri-cultural at watershed areas sa Davao del Sur at North Cotabato.    PNA

Comments are closed.