RIZAL-HUMIGIT kumulang sa P7 milyong halaga ng droga ang nasamsam ng magkasanib na puwersa ng pulisya sa tatlong suspek sa isinagawang buy bust operation sa San Mateo ng lalawigang ito.
Base sa ulat na tinanggap ni Rizal PNP Provincial Director Col. Dominic Baccay, kinilala ang mga nadakip na sina Derick Dela Cruz, 24-anyos ng Marikina City; Jeffrey Dimaano alyas “Jepoy”, 29-anyos at Jeffrey Dalacdac y del Rosario, 39- anyos kapwa ng San Mateo, Rizal.
Nabatid na dakong ala-1 kamakalawa ng hapon, nadakip sa buy bust operation ang tatlong suspek sa Kambal Road, Brgy., Guinayang sa nabanggit na lugar.
Ayon kay Lt. Michael Legazpi Jr ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) at Drug Enforcement Team/Intelligence Operatives ng San Mateo, PNP, nakumpiska sa mga suspek ang 1.1 kilo ng shabu na may halagang P7, 480,000.00, isang Yamaha Mio Sporty at Suzuki Skydrive 125, isang weighing scale, 24 na transparent plastic sachet ng shabu, P7, 000 cash at buy bust money.
Dagdag ni Maj. Joel Custodio hepe ng Provincial Intelligence Unit (PIU), unang nakuha ang droga kay Dela Cruz na siyang ka-transaksyon ng mga operatiba.
Paniwala pa nito ang 2 motorsiklo na narekober ang ginagamit ng mga suspek para ikalat ang mga ipinagbabawal na droga.
Kasong paglabag sa RA 9165 Sec. 5,11 at 26, habang dinala naman sa Rizal PNP Forensic Group Laboratory para sa eksaminasyon ng mga nakumpiska droga. ELMA MORALES