HINDI bababa sa P7 milyon ang garantisadong premyo sa magiging kampeon sa itinakdang 1st Roligon Pintakasi International Challenge 12-Cock International Gamefowl Breeders Derby sa Pebrero sa susunod na taon.
Ipinahayag nina Pintakasi International Derby co-hosts Rolando ‘Ka Lando’ Luzong at Nick Crisostomo na kargado na ang papremyo matapos umabot sa 100 nitong Agosto 28 ang kumpirmadong lalahok sa pinakamalaking torneo sa industriya na gaganapin sa Roligon Mega Cockpit sa Paranaque.
Ang entry fee ay itinakda sa P33,000 lamang.
“Kawili-wili…Handa akong sumali. Nasa tamang landas ang inyong programa para mapaganda ang sabong para sa ating lahat. Not too expensive,” komento ng respetadong beteranong rooster-raiser na si Enrique ‘Iking’ Araneta ng sikat na San Benito entry.
Tinaguriang “The Bloodline Challenge”, nakatakdang itampok sa programa, hindi lamang ang mga pamosong lahi mula sa Pilipinas , kundi pati na rin ang pinakamahuhusay na gamefowl propagator mula sa mga bansang premyado para sa mga malalakas na panlabang tandang.
Nakatakda mula Pebrero 18-28, 2023 sa Roligon Mega Cockpit, ang Pintakasi ay magkakaroon ng 3-cock eliminations sa Peb. 18, 20 & 21; 4-cock semis sa Peb. 22, 123 & 24; 5-cock pre-finals sa Peb. 25 at 27 at ang 5-cock championship sa Peb. 28.
Ang sumusuporta sa record-setting event na ito ay sina Kelly Everly (Kentucky, USA), Fil-Am Ely Andresio (Texas, USA), Bong Raig (California, USA), Jimmy Holland (Kentucky, USA), Ian de Guzman & Glen Vasquez – GV Scarlet (Chicago, Illinois, USA), Miguel Arizola (Peru), Byron Espiza (Ecaudor), VDM 68 – Vince, David & Marc (Vietnam), Gusko Adyana (Indonesia) at Chinh Piseth & The Cambodia Association of Gamefowl Preservation.
Sumusuporta rin sa Pintakasi International Derby ang Asociacion Mundial de Criadores de Gallos de Combate (AMCGE) o ang World Association of Fighting Cock Breeders, na kinakatawan ng worldwide president nitong si Victor Manuel Negrete Castañeda ng Lima, Peru; AMCGE-USA Pres. Larry Esquivel ng California at AMCGE-Ecuador Pres. Felipe Chiriboga ng Quito, Ecuador.
Ang mga lokal at dayuhang kalahok at bisita sa Pintakasi ay magkakaroon din ng pagkakataong dumalo sa 2023 International Gamefowl Festival at Hobby Expo sa SMX Convention Center sa Pasay City sa Peb. 17, 18 at 19, na nagtatampok ng pinakamalaki at pinakakapana-panabik na Gamefowl Show, Hobby Expo at Pet Convention sa bansa.
EDWIN ROLLON