CALOOCAN CITY – NADAKIP ng mga tauhan ng Caloocan City Police ang dalawang tulak matapos makuhanan ng P714,000 halaga ng shabu sa buy bust operation sa San Jose Del Monte, Bulacan, kahapon ng madaling araw.
Batay sa nakalap na report mula sa tanggapan ni PCol. Noel Flores, hepe ng Caloocan City Police, nakilala ang mga suspek na sina Rommel Esminda y Esquivel, 40-anyos, residente ng Carrissa 49; at Dennis Hizon y Yabot, 39-anyos, kapwa residente ng Block 33, Lot 24, Barangay Kaypian, San Jose Del Monte, Bulacan.
Isinagawa ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) at Station Special Operation Unit (SSOU) sa pangunguna ni PCapt. John David Chua ang buy bust operation laban sa dalawang kinikilalang tulak ng ilegal na droga sa bahay ng dalawa sa Bulacan bandang 12:30 ng madaling araw.
Isang police poseur-buyer ang nakipagtransaksiyon sa isa sa mga suspek para makabili ng droga at nakumpiska mula sa mga suspek ang isang plastic sachet na naglalaman ng shabu na nasa 105 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P714,000.00 at P1,00 buy bust money.
Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek sa Caloocan detention cell at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. VICK TANES
Comments are closed.