MAGLALABAS na ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng tinatayang P72.3 milyong emergency assistance para sa mga biktima at apektado ng pag-aalboroto ng Bulkang Taal.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, ipinag-utos na niya ang agarang paglalabas ng naturang pondo upang matulungang makabangon ang mga residente sa mga bayan sa Batangas, at iba pang kalapit na lugar na lubusang naapektuhan ng ashfall at bitak ng lupa.
Sinabi naman ni Usec. Renato Ebarle, head ng DOLE Employment Cluster na ang tulong ay ibibigay ng kagawaran sa pamamagitan ng emergency employment sa ilalim ng Government Internship Program kung saan ang mga benepisyaryo ay itatalaga sa local government units (LGUs) upang makatulong sa rehabilitasyon ng siyam na apektadong munisipalidad sa Batangas.
Maaari namang makipag-ugnayan ang mga apektadong residente sa pinakamalapit na DOLE regional offices sa kanilang lugar kaugnay sa naturang tulong at iba pang serbisyong maipaaabot ng kagawaran.
Magugunitang inabot na rin ng ashfall ang buong Metro Manila habang patuloy pa rin ang pag-aalboroto ng Bulkang Taal. PAUL ROLDAN
Comments are closed.