P733-M PONDO NG OVP APRUB SA SENADO

Hindi aabot sa 10 minuto ay inaprubahan na ng Senado ang pondo ng Office of the Vice President (OVP) para sa taong 2025.

Ito ay matapos walang senador na kumuwestiyon sa P733-milyong badyet na ipinanukala ng Senate finance committee.

Dapat ay agad na maaaprubahan ang bud­get ng OVP sa mosyon ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa, ngunit binawi ang mosyon dahil ipinahayag ni Senador Bong Go ang kanyang apela na ibalik ang badyet para sa mga social services ng OVP.

“Ang daming programa na pilit sinasama sa mga Unprogrammed Funds na hindi na po nagagamit, winawalis na po dahil hindi nagagamit yung pondo,” ayon kay Go.

“Nananawagan po sana ako sa mga kasamahan natin dito na sana po madagdagan o maibalik ang pondo po na naaprubahan sa NEP for 2025 para naman po makapagtrabaho nang maayos ang ating Bise Presidente na parte po ng Executive Branch of the government. Para naman meron tayong working Vice President at hindi lang po spare tire,” dagdag pa niya.

LIZA SORIANO