SINABI ng isang kongresista na maituturing na pinakamainam na solusyon sa patuloy na nararanasang air traffic at passenger congestion sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang iniaalok ng San Miguel Corporation (SMC) na pagtatayo ng P735-B halaga ng ‘futuristic aerotropolis’ sa Bulacan.
Kasabay nito, pinuri ni ACTS-OFW partylist Rep. Aniceto ‘John’ Bertiz III si SMC President Ramon Ang sa pahayag ng huli na kung pagbabasehan ang ‘balance sheet at cash flow’ ng SMC ay kaya nitong solong pondohan ang pagpapagawa ng bago at modernong paliparan na ito.
“Developing a third aviation gateway in Bulacan, as proposed by conglomerate San Miguel Corporation may be the ‘optimal solution’ to the growing congestion at the NAIA. Besides Clark International Airport in Pampanga, a second alternate gateway in Bulacan would go a long way in easing the aircraft and passenger traffic buildup at the NAIA,” sabi pa ng kongresista.
Ayon kay Bertiz, inaprubahan ng National Economic Development Authority (NEDA) na pinamumunuan mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ‘unsolicited proposal’ ng SMC para sa Bulacan International Airport Project noong Abril at umaasa siyang sa lalong madaling panahon ay mabibigyan din ito ng ‘go signal’ ng Investment Coordination Committee (ICC) ng NEDA.
Sinabi pa niya na malaking tulong at marapat lamang na suportahan ang alok na ito ng SMC, na isang pribadong sektor na magpapagawa ng makabagong paliparan subalit ang gagastusin ay hindi galing sa buwis na ibinayad ng mga mamamayan o kahit isang sentimo ay walang gagastusin ang gobyerno.
Sa ilalim na ‘Aerotropolis Project’, nasa kabuuang 2,500 ektaryang lupain sa Bulacan, Bulacan ang idi-develop ng SMC kung saan ang 1,168 ektarya ay tatayuan ng ‘state of the art airport’ na sa una ay magkakaroon ng apat at kung kakailanganin ay hanggang sa anim na parallel runways.
“You won’t have to wait to take off or land. Congestion will be eliminated, this will be very convenient to the public and with this new airport, we can bring in at least 20 million tourists,” pagmamalaki ni Ang, kasabay ng pagsasabing 20 milyong bagong trabaho ang maaaring malikha kapag natuloy ang kanilang proyekto.
Ang nalalabi namang 1,332 ektaryang lupain ay magiging ‘city complex’ na malapit sa Malabon at Navotas o tinatayang nasa 20-kilometro lamang ang layo sa Metro Manila. Ito’y magiging konektado sa kasalukuyan at bagong expressways at mass rail projects gaya ng Skyway system at Metro Rail Transit (MRT) Line 7 project. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.