P738.6-M INFRA DAMAGE NG MINDANAO FLOODS

KABUUANG P738.6 million ang halaga ng iniwang pinsala sa imprastruktura ng mga malakas na pag-ulan na nagresulta sa mga pagbaha at landslides sa Mindanao, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Sa latest situational report ng NDRRMC, ang Caraga ang nagtamo ng pinakamalaking pinsala sa P473 million sa 32 infrastructure facilities. Sumunod ang Davao Region na may P265.6 million kung saan 134 infrastructure facilities ang naapektuhan.

May kabuuang 1,344 bahay rin ang napinsala sa Northern Mindanao, Davao Region at  Caraga mula Jan. 28 hanggang Feb. 3 dahil sa mga pag-ulan na dala ng  Northeast Monsoon (Amihan) at ng trough ng nalusaw nang  low pressure area.

Sa mga bahay, 786 ang partially damaged, habang 558 ang  totally damaged.

Ayon sa NDRRMC, 96 kalsada at 16 tulay sa tatlong rehiyong ito ang hindi pa rin madaanan hanggang nitong Linggo.

Ang mga pagbaha at pagguho ng lupa ay nakaapekto sa 1,389,073 indibidwal o 415,494 pamilya sa 818 barangays sa Northern Mindanao, Davao Region, Soccsksargen, Caraga, at Bangsamoro Region. Halos 50,000 katao ang nanatili sa evacuation centers, habang mahigit 300,000 ang nakituloy sa ibang lugar.