P74-B RE PROJECTS INENDORSO PARA SA GREEN LANE

INENDORSO ng Board of Investments (BOI) ang dalawang renewable energy (RE) projects ng Nexif Ratch Energy Investments Pte. Ltd. (NREI) na nagkakahalaga ng P73.9 billion para sa green lane treatment sa national at local government levels.

Sa isang statement noong Biyernes, sinabi ng BOI na ginawaran nito ng green lane certificate ang P67-billion Lucena Wind Power Project.

Ang offshore wind project sa Lucena City at Sariaya sa Quezon province ay inaasahang magpoprodyus ng 475 megawatts ng clean energy.

Binigyan din ng green lane certificate ang P6.9-billion Bacolod Solar Power Plant Project ng NREI.

Ang 150-megawatt peak solar energy sa Bacolod City at Bago City, Negros Occidental ay nagsimula na ang konstruksiyon noong October 2024, at target matapos sa fourth quarter ng susunod na taon.

Ang subsidiary ng NREI na ACX3 Capital Holdings Inc. (ACX3) ang nangangasiwa sa Lucena wind power project habang ang isa nitong unit, ang Negros PH Solar Inc., ang magpapatakbo sa solar project.

Tiniyak ni BOI Investment Assistance Service Director Ernesto Delos Reyes Jr. sa mga investor ang suporta ng gobyerno para pabilisin ang deployment ng kanilang investments.

“Our goal is to facilitate the timely and stress-free completion of your projects. We will be with you every step of the way,” sabi ni Delos Reyes.