P748K SHABU NASABAT SA 3 HVTs

RIZAL-NAGKAKAHALAGA ng P7 milyon ang halaga ng umano’y shabu na nasabat sa tatlong hinininalang high value target sa buy-bust operations ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU-PIU) sa San Mateo.

Kinilala ni P/Maj. Joel Custodio, Officer In Charge (OIC) ng Provincial Intelligence Unit (PIU) ang mga nadakip na sina Anthony Miano, Jaymar Libanan, at Judy Ann Custodio pawang mga residente ng Sitio Ibayo, Brgy., Maly.

Nabatid na dakong alas-2:30 ng hapon kamakalawa, isinagawa ng magkasanib na operasyon ng PIU/PDEU sa pamumuno ni P/Lt. Jackson A. Aguyen, gamit ang PDEA-4A control operation no. 10005-012022-0521 sa Sitio Ibayo, Brgy., Maly.

Nakumpiska sa tatlong suspek ang walong transparent plastic sachet at apat na transparent plastic bag ng shabu na may bigat na 110 grams at nagkakahalaga ng P748, 000.

Nakuha rin sa mga tulak ang iba’t ibang shabu paraphernalia, cash at buy-bust money na ginamit sa operasyon.

Dagdag ni Aguyen, ang mga suspek ay responsable sa pagpapakalat umano ng droga, hindi lang sa naturang bayan kundi sa ilang kalapit nito sa lalawigan.

Nakapiit na ang mga suspek sa Provincial Detention Cell at sasampahan ng kasong paglabag sa RA9175 section 5 & 11 ng Dangerous Drug Act of 2002. ELMA MORALES