P750 MINIMUM WAGE IGINIIT NG LABOR GROUP

750 MINIMUM WAGE

MULING nanawagan ang isang labor group na itaas sa P750 kada araw ang minimum wage ng mga manggagawa sa National Capital Region mula sa kasalukuyang P537.

Kinalampag ng Unity for Wage Increase o U-Win ang Regional Wage Board ng NCR para sa naturang wage increase.

Sa pag-aaral ng grupo, nasa P1,008.00 na ang living cost para sa pamilyang may limang miyembro sa Metro Manila at hindi na nakasasapat ang P537 sa kanilang mga ­pangangailangan.

Ang isang pamilya ay dapat umanong kumita ng P19,400 sa isang buwan para matugunan ang mga gastusin tulad ng pagkain, upa sa bahay, bayad sa koryente at tubig at medical expenses.

Sinabi ni Charlie Arevalo, tagapagsalita ng U-Win, na lubhang mababa ang kasalukuyang P537 na minimum.

“Halos 50 percent lamang ito ng nakabubuhay na sahod,” giit ni Arevalo.

Ang panawagan ng grupo ay agad namang tinutulan ng Employers’ Confederation of the Philippines (ECOP) at binigyang-diin na mahihirapan ang maliliit na negosyo na bumubuo sa 90 porsiyento ng mga employer sa Filipinas na pagbigyan ang naturang kahilingan.

“In terms of kaya, ‘yung large tsaka medium (employers), one percent ‘yun, makakaya. Pero ‘yung mga micro tataasan mo ‘yung, eh ‘yung P30 increase eh umiiyak na yung mga ‘yun, hindi kaya, ‘yun pang P200 plus?,” paliwanag ni Sergio Luis Ortiz, ECOP.       PILIPINO  Mirror Reportorial Team

Comments are closed.