P750 MINIMUM WAGE IGINIIT SA DOLE

Labor Secretary Silvestre Bello III

HINIKAYAT ng isang kongresista si Labor Secretary Silvestre Bello III na irekomenda na ang P750 national minimum wage para sa mga ­manggagawa sa bansa.

Ito ay makaraang mapagtanto umano ni Bello na napakaliit ng inaprubahang P25 na dagdag sa arawang sahod sa Metro Manila.

Ayon kay Anakpawis partylist Rep. Ariel Casilao, asahan na ang pagtaas pa  ng presyo ng mga pangunahing bilihin dahil sa pagpapatupad ng ikalawang bugso ng excise tax sa langis.

Aniya, ang P25 wage hike ay hindi kakasya na pambili ng isang kilong NFA rice na P37.

Paliwanag pa ng mambabatas, ang isinusulong na P750 minimum wage ay para magbigay ng economic relief sa mga mangga-gawa sa bansa dahil sa matagal na panahon ay napagkaitan ang mga ito na makapamuhay nang disente.

Giit pa ni Casilao, hindi sapat ang pahayag ni Bello na napagtanto nitong kulang pala ang inaprubahang wage hike kundi dapat ito ay aksiyunan agad ng kalihim. CONDE BATAC

Comments are closed.