HINIMOK ng progresibong grupo si Pangulong Rodrigo Duterte na sertipikahang urgent bill ang hinihinging P750 minimum wage ng mga manggagawa sa buong bansa.
Ito ay sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin na isinisisi sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Act at pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Hamon ni ACT Teacher’s partylist Representative Antonio Tino sa administrasyong Duterte na gawing priority ito sa pagbubukas ng susunod na Kongreso.
Nag-file na ng House Bill 7787 ang Makabayan Bloc para sa P750 national minimum wage sa lahat ng negosyo o industrya kahit saan mang lugar sa bansa, gaano man ito kalaki.
Nakatakdang bumalik sa sesyon ang Kongreso sa Hulyo 24 kung saan magtitipon ang mga mambabatas sa Batasan Pambansa para sa State of the Nation Address (SONA) ni Duterte.
“Sa lahat ng manggagawa sa buong bansa, panahon na po para magkaisa tayo na mapalakas at ipanawagan sa gobyernong ito na isabatas na kaagad ‘yung House Bill 7787 na national minimum wage sa buong bansa na nagkakahalaga ng P750 sa private sector,” pahayag naman ni Kilusang Mayo Uno Secretary-General Jerome Adonis sa ginanap na forum.
“Nananawagan kami kay Pangulong Duterte na gawin niya itong urgent bill dahil kailangang-kailangan na ng mga manggagawa,” dagdag ni Adonis.
Sinabi naman ni Partido Manggagawa Spokesperson Wilson Fortaleza na hindi na makapaghihintay ang mga manggagawa para sa dagdag sa sahod. Hindi na umano dapat ipagpaliban ang umento dahil hayag naman ang dahilan kung bakit hinihingi ito.
Nangangamba naman ang Employers Confederation of the Philippines (ECOP) na posibleng magdulot ng mass layoff sakaling aprubahan ang panukalang P750 national minimum wage.
Ayon kay ECOP Director General Jose Roland Moya, maging ang kompanya ay pinapasan at nahihirapan din sa epekto ng TRAIN dahil sa pagtaas ng presyo ng raw materials.
Iginiit ni Moya, sakaling ipag-utos ng pamahalaan ang nasabing umento sa sahod, posibleng magdusa at malugi ang mga negosyo na magdudulot naman ng pagsasara o pagtatanggal ng mga manggagawa.
Gayunman binigyang diin ni Moya na ang kanyang pahayag ay hindi banta kundi isang katotohanan na malaki ang posibilidad na mangyari. NENET VILLAFANIA
Comments are closed.