P76-M MARAWI WATER SYSTEM NAGSIMULA NA

SEC Eduardo Año3

NAGSIMULA na ang P76 milyong halaga ng water system project sa Marawi City sa pamamagitan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa ilalim ng programang Sagana at Ligtas na Tubig para sa Lahat (Salintubig).

Sinabi ni DILG OIC-Secretary Eduardo M. Año, mahigit sa 2,156 na kabahayan sa Marawi ang makikinabang sa programang inu­ming tubig sa sandaling matapos ang proyekto sa Disyembre 2019.

Matatandaan na itinalaga ni Pangulong Duterte si Año bilang Martial Law Administrator sa Mindanao bunsod ng pagiging military chief nito ng limang buwan sa nangyaring Marawi crisis noong nakaraang taon, at sinabing, “Ang DILG ay aktibong na­ging bahagi para mahinto ang Marawi siege at ang muling pagbawi sa lungsod mula sa local terrorist group. Hanggang ngayon ang DILG ay maagap na tumutulong sa rehabilitasyon.”

Pitong barangay ang saklaw ng proyektong Salintubig, kabilang dito ang Sagonsongan, Mi­paga, Emie Punod, Basak Malutlut, East Basak, Poblacion, at Moriatao Loksadato.

Ang DILG at Department of National Defense ay magkatuwang na namumuno sa interagency Task Force Ba­ngon Marawi (TFBM) Sub-Committee on Security, Peace and Order, ang responsable sa pagpapanumbalik ng supply ng tubig, koryente at iba pang pampublikong uti­lities sa Marawi.

Kasabay ng rehabilitasyon ng Marawi, nakikipag-ugnayan din ang DILG sa ibang sangay ng pamahalaan kaugnay ng adbokasiyang “preventing and countering violent extremism” (PCVE).  PAULA ANTOLIN

Comments are closed.