CEBU- TINATAYANG aabot sa P8.16 milyong halaga ng shabu na nasamsam sa isang itinuturing na high value drug target matapos ang inilunsad na anti-narcotics operation ng Philippine National Police-Drug Enforcement Unit sa Talisay City kamakalawa ng umaga.
Kinilala ang nadakip na suspek na si Joey Trocio Gabrillo, 29- anyos na kasalukuyang naninirahan sa Urban Poor, Brgy. Maghaway, Talisay City.
Ayon kay Lt. Col. Epream Paguyod, hepe ng Talisay City Police Station, sumailalim sa case build up at surveillance operation ang hinihinalang bigtime drug personality .
Matapos na magpositibo sa ilang araw na paniniktik ay inilatag ng mga tauhan ni Paguyod isang buy bust operation laban sa kanilang target.
Hindi na nakaporma ang suspek nang kumagat ito sa bitag na inilatag ng nagpanggap na poseur buyer at arestuhin sa Sitio San Rafael, Brgy. Tangke ng naturang lungsod.
Matapos ang isinagawang joint buy bust operation ng PNP-Drug Enforcement Unit at Talisay City Police ay nakuha sa suspek ang may 1.2 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P8,160,000.
Kabilang sa nakuhang non drug evidence ang isang android phone, P600, 000 buy bust money at motorsiklo.
Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa illegal drugs ang suspek. VERLIN RUIZ