QUEZON-NASABAT ng mga awtoridad ang nasa P8.2 milyong halaga ng shabu sa isang High Value Individual (HVI) sa isinagawang anti illegal drug operation sa Lucena City.
Ikinasa ng mga tauhan ng Quezon PNP- PDEU, PDEA 4A-Quezon at Lucena City PNP ang operasyon dakong alas-2 ng madaling araw kahapon sa Brgy Ibabang Dupay, Lungsod ng Lucena.
Kinilala ang naaresto na si Alibsar Makarangkat Makacari, 35- anyos, tubong Marawi City, Lanao Del Sur at kasalukuyang residente ng General Mariano Alvarez, Cavite.
Hindi na nakuha pang makapalag ni Makari ng posasan matapos na magbenta sa police poseur buyer ng 1 sachet ng shabu sa halagang P60,000,00.
Narekober sa posesyon ng suspek ang 7 plastic sachets na naglalaman ng iligal na droga na may timbang ng nasa 400 gramo na may street value na P8,200,000.00.
Napag-alaman na ang suspek ay isa sa mga HVI na nagsusuplay ng iligal na droga sa lalawigan ng Quezon na nanggagaling pa sa ilang lugar sa Calabarzon at Metro Manila.
Nakakulong na ito ngayon sa Lucena City custodial facility ang suspek at inihahanda na ang kasong isasampa laban dito.
BONG RIVERA