SA halip na gastusin ang inilaang P8.4 billion para sa pagdaraos ng Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections, iminumungkahi ni Deputy Speaker at Batangas 6th Dist. Rep. Ralph Recto na gamitin na lamang ang naturang pondo para sa iba’t-ibang ‘food security and sufficiency’ programs ng Department of Agriculture (DA).
Kaya sa kanyang inihaing House Bill 2185, kinatigan ni Recto ang naunang isinusulong ng iba pa niyang kapwa kongresista na maipagliban na lamang ang nasabing halalan, partikular sa ikalawang Lunes ng Mayo 2024.
Pagbibigay-diin ng Batangas province lawmaker, nagbabadya ang global food crisis dala ng COVID-19 pandemic, problema sa supply chain, energy crisis, maging ang tensiyon sa pagitan ng Russia at Ukraine, mataas na presyo ng mga bilihin at inflation.
Upang matiyak na matutugunan ng bansa ang nabanggit na mga suliranin, inirekomenda ng House Deputy Speaker na sa pagpapaliban ng Barangay at SK polls, ang magiging “savings” o hindi magagamit na badget na P8.4 billion ay ilalagay na lamang sa mga programa ng DA at palakasin ang “Plant, Plant, Plant Program” o “Ahon Lahat, Pagkaing Sapat o ALPAS laban sa COVID-19.”
Kabilang sa mga dapat umanong mapondohan ng ahensiya ang subsidiya para sa mga binhi at abono; credit at logistical support; pagsusulong ng modernong farming technology; pagpapagawa ng farm-to-market roads, irigasyon o patubig, at post-harvest facilities.
Giit ni Recto, direktang magbebenepisyo sa mga naturang programa ang mga magsasaka, mangingisda at maging ang mga consumer.
Nauna rito, sina House Deputy Minority Leader Mujiv Hataman (Basilan), Reps. Salvador Pleyto (Bulacan 6rh Dist.), Cheeno Miguel Almario (Davao Oriental 2nd Dist.) at Jaime Cojuangco (Tarlac 1st Dist.) ay naghain ng magkakahiwalay ng house bills na nagnanais ding i-postpone ang naturang halalan.
“Nasa gitna pa rin tayo ng rumaragasang pandemya, hindi pa balik normal ang lahat. Hindi natin sigurado kung ano ang kalagayan ilang buwan mula ngayon. Kaya ang aking panukala, ipagpaliban muna ito,” ayon kay Hataman, na dati ring naging regional governor ng binuwag na Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
“At nakita naman natin, nitong nakaraang halalan, napakamahal ng gastos kaugnay sa preparasyon at aktuwal na botohan sa ating pagnanais na maging ligtas ang lahat ng nais na bumoto. Mas makakabuti kung makakatipid tayo ngayong taon at magamit pa sa ibang bagay ang pondong nakalaan sa halalan,” dugtong pa niya.
Sa House Bill No. 3384 ni Hataman, nais nitong maamyendahan ang RA 9164, na magbibigay-daan upang ang Barangay and SK elections, na nakatakda sa Disyembre 5 ngayong taon, ay isagawa na lamamg sa ikalawang Lunes ng Mayo 2024. ROMER R. BUTUYAN