DAHIL sa mahigpit na koordinasyon ng Bureau of Customs (BOC) at Department of Agriculture (DA) ay matagumpay na napigilan ang ilegal na pagpasok ng imported agricultural products sa bansa.
Ang ilegal na shipment mula sa Thailand na kinabibilangan ng 3,200 kahon ng fresh oranges na nagkakahalaga ng P8.422 milyon ay nasabat sa Manila International Container Port (MICP) matapos matuklasan na ito ay walang kaukulang import sanitary clearance mula sa Bureau of Plant Industry (BPI).
Ang pagharang sa nasabing agri-products ay naisakatuparan dahil sa napapanahong pagbibigay ng derogatory information mula sa Bureau of Plant Industry (BPI) ng Department of Agriculture (DA) na nagsasaad na ang nasabing shipment ay walang mandatory Sanitary and Phytosanitary Import Clearance (SPSIC).
Ang mabilis na aksiyon ng mga ahente ng BOC mula sa MICP, mga opisyal ng BPI at mga miyembro ng Inspectorate and Enforcement Unit ng DA ay nagresulta sa pagkakakumpiska ng naturang imported products na sinasabing hindi ligtas kainin at walang kaukulang SPSIC na nagsisiguro sa proteksiyon ng bansa laban sa posibleng pagpasok ng mga infested o kontaminadong agri-products.
Ininspeksiyon ng mga kinatawan ng Customs Intelligence and Investigation Services, Enforcement and Security Service, Customs Anti-Illegal Drug Task Force, X-ray Inspection Project at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang nasabing mga produkto, kasama na ang pagsasailalim sa mga ito sa K-9 sweeping ng mga tauhan ng PDEA subalit walang illegal drugs na natagpuan sa shipment.
Ang nakumpiskang mga oranges ay isasailalim sa condemnation proceedings alinsunod sa DA Department Order No. 09, series of 2010 upang matiyak na ang naturang mga produkto ay hindi maibebenta sa lokal na merkado.
Ang case records ng nasabing importation ay ini-refer din sa Bureau Action Team Against Smuggling para sa case build-up at posibleng pagtugis sa mga personalidad na nasa likod ng nabanggit na illegal agri-products importation.
Samantala, sa pamumuno ni District Collector Carmelita M. Talusan, patuloy na pinalalakas ng MICP ang pagbabantay sa mga ipinagbabawal na kalakal at pinatitibay ang pakikipag-ugnayan sa iba pang mga ahensiya.
Pinuri ang BOC, sa pamumuno ni Commissioner Bienvenido Y. Rubio, dahil sa kanilang masigasig na kampanya upang labanan ang smuggling at protektahan ang kalusugan at kaligtasan ng publiko.
RUBEN FUENTES