LAGUNA- NASAMSAM ng pinagsanib puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency at Laguna PNP Intelligence Unit ang mahigit sa limang libong piraso ng pink tablets na pinaghihinalaang ecstacy na street value na P8.5 milyon sa isang delivery operation nitong Miyerkules ng hapon sa Barangay Dita, lungsod ng Sta. Rosa.
Sa tala ng Sta. Rosa police station, kinilala ang tumanggap ng illegal party drugs na si Aira Almonte na agad dinakip habang tinatanggap ang package sa isang gasoline station ng nasabing lugar.
Ayon sa mga PDEA agent, nakatago sa loob ng anim na stuffed toys ang mga tableta na nakalagay sa apat na selyadong kahon at idineklara itong mga laruan ng bata.
Sa pahayag naman ni BGeneral Jose Melencio Nartatez, Calabarzon police director, ang delivery package ay nagmula sa France at ipinadala ng isang nag- ngangalang Bautista Victoria.
Kasamang nakumpiska mula sa suspek ang isang school ID, postal ID at BIR TIN Card.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng PDEA sa Region 4A si Almonte at nahaharap sa kasong pag- iingat ng illegal party drugs. ARMAN CAMBE