P8-B PINSALA NG EL NIÑO SA AGRI SECTOR

EL NIÑO-AGRI SECTOR

PUMALO na sa halos P8 bilyon ang kabuuang pinsala ng El Niño phenomenon sa sektor ng agrikultura.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), base sa kanilang situation report, ang pinsala sa farm sector sa Cordillera Administrative Region (CAR), Region I, II, III, Calabarzon, Mimaropa, V, VI, VIII, IX, X, XI, XII at BARMM ay nasa P7.962 bilyon na.

May kabuuang 247,610 magsasaka ang apektado ng tagtuyot o dry spell sa naturang mga rehiyon.

Napag-alamang ang P7.962-B pinsala sa sektor ng agrikultura hanggang noong Abril 25 ay mas mataas ng halos P3 bilyon sa P5.05-B na naitala noong Abril 2.

Pinangangambahang lolobo pa ito dahil nananatili pa rin ang epekto ng El Niño sa Filipinas sa likod ng mga nararanasang thunderstorm dala ng tag-init.

Sa hiwalay na report, sinabi ng Department of Agriculture-Disaster Risk Reduction and Management Operations Center na ang volume production loss dahil sa El Niño ay aabot sa 447,889 metric tons sa 277,889 hectares ng agricultural land.

Ang production loss sa rice sector ay umabot naman sa P4.04 bilyon na nakaapekto sa 144,202 hectares ng lupa na may ka-buuang 191,761 metric tons na volume loss.

Samantala, para naman sa corn sector, ang halaga ng pinsalang iniwan ng dry spell ay nasa P3.89 bilyon sa 133,007 hectares ng lupain na may kabuuang volume loss na 254,766 metric tons.

Pinag-aaralan nga­yon ng DOST, DAR at PAGASA na magsagawa ng cloud seeding sa mga apektadong lugar para maibsan ang epekto ng El Niño na patuloy na sumisira sa sektor ng agrikultura.  BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.