P8-M PUSLIT NA YOSI NASABAT NG NAVY

SOUTH COTABATO- NASABAT ng mga tauhan ng Philippine Navy- Naval Forces Eastern Mindanao ang bulto-bultong smuggled cigarettes na aabot sa P8 milyon ang halaga matapos ang maikling habulan sa dagat sakop ng Sultan Kudarat sa lalawigang ito.

Sa ulat na ipinarating sa tanggapan ni Philippine Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Toribio Adaci Jr., sa gitna ng isinasagawang territorial defense operations ng BRP Artemio Ricarte na nasa ilalim ng operational control ng Naval Task Force 71 sa katimugang bahagi ng Eastern Mindanao ay namataan ang isang kahinahinalang motor boat.

Sa kasagsagan ng naturang operasyon ay naharang ng mga tauhan ng Naval Forces Eastern Mindanao ang MB Queen Juhaya matapos nitong tangkaing takasan ang mga awtoridad na nagresulta naman sa “interception”.

Ayon kay Commodore Carlos V. Sabarre Commander ng Naval Forces Eastern Mindanao, narekober mula sa naturang bangka ang nasa 527 master cases na smuggled na sigarilyo, at isang hindi rehistradong baril.

Habang anim na mga Pilipinong Crew kasama ang isang hindi pa dokumentadong Malaysian ang naarestong lulan ng nasabing motorbanca.

Samantala, agad namang itinurn over ng mga awtoridad ang mga nasamsam na ebidensiya sa tanggapan ng Bureau of Customs habang hinatak naman ang motor boat sa Capt. Feranil Pier, Naval Station Felix Apolinario, Panacan, Davao City. VERLIN RUIZ