P80.17-M UTANG NG CORDILLERA FARMERS BURADO NA

NAGBUKAS ng mas maraming oportunidad ang Department of Agrarian Reform (DAR) sa mga magsasaka ng Cordillera Admi­nistrative Region sa pamamagitan ng pamamahagi ng 1,944 Certificates of Condonation with Release of Mortgages (CoCRoM), na nagbubura sa P80.17 milyong halaga ng utang na sa loob ng i­lang dekada ay nagpapahirap sa 1,421 agrarian reform beneficia­ries (ARBs).

Ang pamamahagi ng CoCRoMs ay sinabayan ng distribusyon ng 579 titulo ng lupa, na sumasakop sa 371.9 ektarya, sa 515 ARBs mula sa mga lalawigan ng Abra, Apayao, Benguet, Ifugao, Kalinga at Mountain Province.

Ang inisyatibang ito ay hindi lamang nagdadala ng pangako sa legal na pagmamay-ari ng lupa kundi ng panibagong pag-asa para sa napa­panatiling mga kasanayan sa pagsasaka.

Ang DAR ay nagkaloob ng P90 milyong halaga ng suportang serbisyo, na kinabibilangan ng pagkumpleto sa pitong farm-to-market roads at 193 units ng farm machi­nery and equipment (FMEs) sa rehiyon, na nagpapataas ng produktibidad at access sa merkado ng mga magsasaka mula sa Cordillera.

Sinabi ni Marcelo Guisoben, isang ARB mula sa Kalinga, na napakasaya ng mga magsasaka dahil wala na silang mga utang sa kanilang lupain.

“Maraming salamat po sa administrasyong ito sa mga biyayang natanggap namin. Ang aming mga lupa ay wala ng utang, at ang mga titulo ng lupa ay nasa kamay na namin,” aniya.

Ang makasaysayang kaganapang ito ay dinaluhan nina DAR-CAR Regional Director Samuel Solomero, Kalinga Governor James Edduba, Congressman Allen Jesse Mangaoang, Congressman Maximo Dalog Jr., Presidential Communication Office Assistant Secretary Antonio Tabora, DAR Assistant Secretary Eugene Follante, at Assistant Secretary Rodolfo Castil Jr.

Hinikayat ni Castil ang mga magsasaka na gawing produktibo ang kanilang mga lupain para sa kapakanan ng kanilang pamilya at ng komunidad.

“Ang mga pangarap ng mga magsasaka ay ang mga pangarap din ng bansang ito,” aniya. MA. LUISA MACABUHAY-GARCIA