PERSONAL na ibinigay ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Romualdez Marcos, Jr. ang tseke mula sa Office of the President (OP) para sa Camp Navarro General Hospital (CNGH) sa Zamboanga City .
Ang P80.9-milyong tseke ay natanggap ni Lt. Col. Giovanni Falcatan, ang Commanding Officer ng CNGH.
Saksi sa nasabing pagkakaloob ng pondo para sa kagamitan ng ospital sina Defense Secretary Gilbert Teodoro, Jr.; Western Mindanao Command Chief, Lt. Gen.William Gonzales; Naval Forces Western Mindanao Commander Rear Admiral Donn Anthony Miraflor; Joint Task Force Zamboanga Commander, Col. Randolph Rojas; Zamboanga City Mayor John Dalipe; 1st District Representative Congressman Khymer Adan Olaso; at iba pang opisyal at tauhan ng militar ng CNGH.
Ang donasyon ay gagamitin para sa pagbili ng mga hospital equipment para sa operating room, diagnostics, ward, physical therapy, at iba pang serbisyong medikal ng ospital.
Sa kanyang pagbisita, siniyasat ng PBBM ang bagong itinayong gusali ng CNGH na inilaan para sa paghahatid ng kritikal na serbisyong medikal at suporta para sa mga tauhan ng militar at sibilyan at kanilang mga dependents .
Ang CNGH ay isang infirmary-level na ospital na matatagpuan sa WestMinCom Headquarters sa Camp Navarro, Calarian, Zamboanga City.
Nagbibigay ito ng mga serbisyong medikal para sa mga sundalo, sibilyan at kanilang mga dependents at mayroon itong 50 hanggang 100-bed capacity.
Pinasalamatan ni Lt. Gen.Gonzales ang kanilang Commander-in-Chief sa patuloy na pagsuporta nito sa militar sa Mindanao at sa buong bansa.
VERLIN RUIZ