UMAABOT na sa P80-B pondo para sa social amelioration program (SAP) ang nai-transfer na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mahigit 1,500 local government units (LGUs).
Ayon kay DSWD Secretary Rolando Bautista, katumbas ito ng mahigit 97% ng pondo na kanila nang naibigay sa mga LGU sa buong bansa.
Habang nasa P37-B naman ang naipamahagi na ng mga LGU sa mahigit 7.3-M benepisyaryo ng SAP.
Samantala, tiniyak din ni Bautista na patuloy pa ring makatatanggap ng ayuda ang mga mahihirap na pamilyang benepisyaryo ng SAP hanggang sa Mayo.
Paliwanag ng kalihim, alinsunod sa isinasaad ng Bayanihan To Heal As One Act, mananatiling benepisyaryo ng SAP para sa buwan ng Mayo ang mga nakatanggap na ng ayuda sa first tranche noong Abril.
Gayunman, nakadepende aniya ang pamamahagi nito kung nakapagsumite na ng liquidation report para sa buwan ng Abril ang mga lokal na pamahalaan.
“Nais namang ipaalam na ang ating Inter Agency technical working group on social amelioration program ay nag-uusap ngayon para gumawa ng proposal para sa IATF on emerging infectious disease para sa implementasyon ng SAP base sa pronouncement ng ating Pangulo, ng Abril 4, ito ang magiging basehan namin sa paggawa ng guidelines para sa implementasyon ng SAP for the 2nd tranche,” ani Bautista. DWIZ882
Comments are closed.