P80-M DROGA NASAMSAM SA DRUG OPERATIONS

BICOL-TINITIYAK ni PNP-PRO5 Reginal Director Jonnel C Estomo na kaisa ang Bicol PNP sa pagsugpo sa suliranin ng iligal na droga sa bansa kasabay ng paglalahad na nasa mahigit P 80 milyon na ang halaga ng droga ang nasamsam sa kanilang anti-narcotics operations.

Ayon kay Estomo, sa loob ng 11 buwan ay patuloy na pinatutunayan ng pamunuan ng PNP-PRO5 ang malakas nitong determinasyon upang tugisin ang mga indibidwal na sangkot sa pagbebenta ng ilegal na droga.

Sa datos ng Regional Operations Division (ROD), simula Enero 1, hanggang nitong Nobyembre 30, umabot sa P80,801,945.28 ang halaga ng nakumpiskang ipinagbabawal na gamot kaugnay nang pinaigting na anti-illegal drug operations.

Ito rin ay nagresulta sa pagkakasamsam sa 29, 518.90 gramo ng marijuana at 2,285.09 gramo ng shabu mula sa 1167 operasyon na nailunsad ng pulisya sa iba’t ibang panig ng rehiyon.

Kabilang dito ang 151 na pagsisilbi ng search; 881 buy-bust operation; 84 ang nahainan ng warrant of arrest at 51 iba pang mga operasyon.

Nagbunga rin ito sa pagkakaaresto sa 1,327 drug pushers at user kung saan 392 ang nadakip sa Camarines Sur; 333 sa Albay; 269 sa Naga City; 183 sa Cam Norte 183; 78 sa Sorsogon, 78; 40 sa Masbate; at 32 naman sa Catanduanes.

Samantala, 52 naman ang nasawi mula sa mga naikasang operasyon at 2031 naman ang nasampahan na ng kaso para sa paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.

Bagaman marami ng ang nakamit na tagumpay ng PNP-PRO5 kontra droga, nananatili itong determinado sa pagbuo ng iba pang estratehiya upang ilayo at iiwas ang mga miyembro ng komunidad sa masamang epektong dulot nito.

Sa kabilang dako, kasama ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA ROV) ay tinitiyak din ng pulisya ang pagpapairal ng “transparency” sa pagsasagawa ng operasyon upang bigyang kasagutan ang mga pagdududa at takot sa publiko. VERLIN RUIZ