Naglaan ng P80 milyon ang 2025 national budget para sa scholarship ng child development workers (CDWs).
Ito ang inihayag ni Senador Win Gatchalian.
Kasama sa inaprubahang national budget ang isang special provision na ipinanukala ni Gatchalian, kung saan inilaan ang P80 milyong pondo sa ilalim ng Promotion, Development, and Implementation of Quality Technical Education and Skills Development Programs ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). Sa ilalim ng special provision na ito, bibigyang prayoridad ang mga kasalukuyang CDWs na hanggang high school lamang ang natapos.
Upang ipatupad ang naturang programa, bubuo ng mga pamantayan ang TESDA at ang Early Childhood Care and Development (ECCD) Council.
Sa 68,080 CDWs sa buong bansa, 11,414 ang nakatapos ng high school. Tinataya ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) na matutulungan ng scholarship ang humigit-kumulang 2,854 na CDWs na mga ito upang paigtingin ang kanilang propesyonal na kakayahan.
“Sa pamamagitan ng pondong inilaan natin para sa scholarship ng mga child development workers, masusuportahan natin ang kanilang upskilling at reskilling. Mahalagang hakbang ito upang matulungan natin ang ating mga CDWs na maging epektibo sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin,” ani Gatchalian, Co-Chairperson ng EDCOM II.
Nakahanay ang panukala ni Gatchalian sa isinusulong niyang Early Childhood Care and Development Act (Senate Bill No. 2575). Layon ng panukalang batas na magkaroon ng universal access sa early childhood education. Isinusulong din nito ang upskilling at reskilling ng mga CDWs. Sa ilalim ng naturang panukala, magiging mandato sa mga CDWs na tumapos ng upskilling at reskilling training programs sa early childhood education o ECCD. Kinakailangang makapasa sila sa certification ng TESDA na magbibigay ng libreng assessment at certification.