NASA P800 bilyon ang kayang likumin ng pamahalaan para gastusin sa paglaban sa COVID-19 pandemic na nagdulot ng malaking pinsala hindi lamang sa Filipinas, kundi maging sa buong mundo.
Sa ipinagkaloob na emergency power ng dalawang kapulungan ng Kongreso kay Pangulong Rodrigo Duterte, maaari nitong gamitin ang P882.19 bilyong pondo mula sa dividends, mga hindi nagamit na appropriations, excess and unauthorized balances, cash, at mga cash equivalent para labanan ang COVID-19.
Ang malaking bulto ng nasabing pondo ay magmumula sa unreleased appropriations sa ilalim ng special purposed funds, na sa kalkulasyon ng Department of Budget and Management (DBM) ay nagkakahalaga ng P372.9 bilyon.
Ang ilang bahagi nito ay gaya ng P145.717 bilyong halaga ng unreleased resources bilang ayuda sa government corporations, P28.414 bilyon mula sa special shares ng local government units (LGU’s) mula sa national taxes at P27.311 bilyon mula naman sa government support funds.
Maaari ring galawin ng gobyerno ang unreleased funds na P7 bilyon mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), maging ang P1.05 bilyong pondo ng Metropolitan Manila Develomnent Authority (MMDA), ang P365 milyong special shares ng local governments mula sa Fire Code fees at ang P50 milyong barangay officials death benefits funds.
Tanging ang P500 milyong pondo ng Department of Health (DOH) na Quick Respond Funds ang nagagamit ng gobyerno na inilaan mula sa National Disaster Risk Reduction Management (NDRRM) funds. Target ding magamit, ayon sa National Treasury, ang mahigit P100 bilyong pondo mula sa excess and unauthorized balances of government corporations para itutok bilang karagdagang pondo sa COVID-19, bukod pa sa P100 bilyong pondo mula sa cash and cash equivalents mula sa national government corporations.
Gagamitin din ng Duterte administration ang dividends funds mula sa Philippine Ports Authority (PPA), Manila International Airport Authority (MIAA) at Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na maagang ni-remit ng Department of Transportation (DTr). Isinusulong din ng DBM na gamitin ng Social Welfare, Health and Labor Departments ang kanilang pondo na may total amount na P159.802 bilyon bilang aid o tulong sa mga naapektuhan ng enhance community quarantine sa buong Luzon at iba pang lugar sa bansa.
Kasabay nito, umapela sina Finance Secretary Carlos ‘Sonny’ Dominguez III at Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Caesar ‘Billy’ Dulay sa publiko na magbayad ng buwis nang maaga bagama’t in-extend ang deadline nito sa Mayo 15 mula Abril 15, upang matulungan ang gobyerno na makalikom ng malaking halaga para panustos sa iba pang mahahalagang proyekto ng Duterte administration.
Sinabi ni Commissiner Dulay na kahi’t naka-lockdown ay patuloy na pumapasok sa kanilang tanggapan ang mga regional director, revenue district officer at mga empleado ng BIR upang matugunan ang lahat ng pangangailangan sa serbisyo at hindi maantala ang mga transaksiyon sa gobyerno.
Umaasa sina Secretary Sonny at Commissioner Billy na makokolekta pa rin nila ang iniatang na tax collection target ngayong taon sa magandang kooperasyon ng BIR at taxpaying-public.
Para sa komento o opinion, mag-text lamang po sa 09293652344/09266481092 o mag- email sa [email protected].
Comments are closed.