P800K PEKENG YOSI NASABAT NG BOC

sigarilyo

NASABAT ng Bureau of Customs at Intelligence and Enforcement Groups ang kahon-kahong puslit na peke umanong sigarilyo na nagkakahalaga ng nasa P800,000 at sako-sakong bigas sa Panguta­ran, Sulu at Isabela City, Basilan.

Ayon sa inisyal na ulat ng BOC Port of Zamboanga, nadiskubre ng ahente ng BOC ang mga sako-sako ng bigas sa loob ng ML Nhardzrmar-2 habang nakadaong sa Weebin Private Wharf, Baliwasan Seaside, Zamboanga City.

Habang ang mga nasamsam na kahon-kahong sigarilyo na may iba’t ibang brand ay lulan ng MV Trisha Kirstin-1 ng Aleson Shipping Lines.

Nai-turn over na ang nasabing mga kalakal sa Bureau of Customs para sa pagpapalabas ng warrant of seizure and detention (WSDs) sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) R.A 10845 o Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016 at R.A 8293 o ang Intellectual Property Code of the Philippines.

Tinatayang aabot sa halagang P665,000 ang halaga ng nasabat na bigas habang nasa mahigit kumulang sa P800,000 naman ang nasamsam na pekeng si­garilyo.

Ayon sa BOC, nakumpiska ang nasabing mga agri-product dahil sa kawalan ng kaukulang importation permit at dokumento.

Pinuri naman ni Collector Segundo Sigmundfreud Barte, District Collector ng Port of Zamboanga ang Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), Enforcement and Security Service (ESS), Philippine Coast Guard (PCG) Task Force Aduana, Joint Task Force Zamboanga at PPA Port Police sa pa­tuloy nilang pagsisikap laban sa smuggling partikular sa produktong agrikultura at iba pang anti-social goods alinsunod sa Bureau’s 10-Point Prio­rity Program.

Nagbabala naman ang BOC sa smugglers na nagbabalak magpuslit ng mga kontrabando na huwag na silang magtangka dahil mas mahigpit na ang pagbabantay ng Customs higit lalo sa mga pekeng si­garilyo.   PAUL ROLDAN

Comments are closed.