INIHAYAG ng lokal na pamahalaan ng Makati na mapagkakalooban ang mga empleyado ng city hall ng kanilang Service Recognition Incentive (SRI) simula sa susunod na Linggo.
Ito ay matapos na aprubahan ni Makati City Mayor Abby Binay ang isang ordinansa para makapaglaan ang lungsod ng halagang P82.8 milyon para sa SRI ng mga empleyado.
Sinabi ni Binay na ang lahat ng regular, casual, at contractual na empleyado ng city hall ay makatatanggap ng SRI na hindi lalampas sa P10,000.
Idinagdag pa ni Binay na ang pamamahagi ng nabanggit na SRI ay sisimulan sa Lunes.
Paliwanag pa ni Binay, ang SRI ay isang pamamaraan na mabigyan ng biyaya ang bawat empleyado na patuloy na nagtatrabaho at nagsisilbi sa komunidad sa kabila ng nararanasang pandemya ng mga residente na dulot ng COVID-19 sa lungsod.
Kasabay nito, hinikayat din ni Binay ang mga residente na palagiang mag-obserba ng minimum health at safety protocols pati na rin ang pagbabakuna at pagpapaturok ng booster shots laban sa COVID-19.
Napag-alaman pa kay Binay na nito lamang Enero 20 ay pumalo na sa mahigit 2,000 ang naitalang aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod. MARIVIC FERNANDEZ