SA ILALIM ng ‘Bayanihan to Recover as One’ Act o Bayanihan 2 na inaprubahan ng Kamara ay madaragdagan ng P820 milyon ang mistulang naghihingalong Assistance to Nationals (ATN) Fund na ginagamit ng Department of Foreign Affairs (DFA) para matulungan ang overseas Filipinos workers (OFWs) na apektado sa dinaranas na global pandemic.
Ito ang inihayag ni Speaker Alan Peter Cayetano kung saan binigyang-diin niya ang pangangailangan na madagdagan ang nasabing pondo ng DFA para maipagpatuloy ng ahensiya ang repatriation efforts, medical assistance at welfare programs nito para sa distressed OFWs, kabilang na ang pagpapauwi sa labi ng mga nasawi dahil sa COVID-19.
“With the additional funds, we hope to bring home more of our kababayans by September and December. Ibinabalik natin kung ano ‘yung nawala para mas marami pang kababayan natin ang matulungan ng DFA,” sabi ni Cayetano.
Kaya namin tiniyak ni Cayetano sa iba pang OFWs na naghihintay na makauwi na sa Filipinas ang pagsusumikap ng Kamara na mahanapan ng solusyon ang pangangailangan sa kaukulang badget ng repatriation program ng pamahalaan para sa naturang mga manggagawang Filipino na makabalik na sila sa bansa sa lalong madaling panahon.
Sa nakaraang pagdinig ng House Committee on Public Accounts, iniulat ng DFA na mahigit sa 100,000 OFWs ang nananatiling stranded sa iba’t ibang host country ng mga ito.
Subalit sa ngayon ay nasa P118 milyon na lamang umano ang natitirang ATN fund ng nasabing kagawaran kung kaya agad namang tumugon ang House leadership para resolbahin ang isyu. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.