MAY P85 million na halaga ng smuggled frozen agricultural at beverage products ang nakumpiska sa isang inspeksiyon sa isang bodega sa Parañaque City, ayon sa Bureau of Customs (BOC).
Sinabi ni Commissioner Bienvenido Rubio na isinagawa ang operasyon makaraang mag-isyu siya ng Letter of Authority (LOA) sa Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port (CIIS-MICP) noong Sept. 5.
Ayon kay Rubio, ang LOA ay isinilbi ng mga operatiba ng CIIS-MICP sa isang kinatawan ng bodega na natuklasang naglalaman ng iba’t ibang poultry, meat at iba pang mga produkto mula China na pinaghihinalaang walang kaukulang customs duties at taxes.
“The audacity of these people to smuggle and hide agricultural products right in the heart of Metro Manila is beyond me. They belittle our laws and make a mockery of our hardworking Customs agents by thinking they can operate these illegal activities just a few kilometers from our port,” pahayag ni Rubio sa isang statement.
Ayon kay BOC-CIIS Director Verne Enciso, nakasamsam sila ng frozen duck meat, chicken meat, pork meat at food items na may Chinese markings, at assorted food at beverage na may foreign markings.
“The initial inventory found that these poultry products will amount to about PHP85 million in the market. But we’re still determining the actual cost once final inventory is conducted by our examiners,” aniya.
Ang bodega ay pansamantalang ipinadlak upang protektahan ang subjected goods dahil ang final inventory ay isasagawa ng nakatalagang Customs examiner at sasaksihan ng mga kinatawan ng bodega, CIIS at Enforcement and Security Service.
Ang may-ari ng bodega ay bibigyan ng 15 araw upang magprisinta ng mga kaukulang dokumento upang pasinungalingan ang mga alegasyon na nagtatago sila ng imported agricultural products.
Kapag napatunayang walang mga kinakailangang dokumento, isasagawa ang kaukulang seizure and forfeiture proceedings laban sa subject shipments dahil sa paglabag sa Section 1400 (misdeclaration in goods declaration) in relation to Section 1113 (property subject to seizure and forfeiture) ng Republic Act No. 10863, na kilala rin bilang Customs Modernization and Tariff Act.
Ang operasyon ay isinagawa sa pakikipagtulungan sa Department of Agriculture Inspectorate and Enforcement at sa Philippine Coast Guard. ULAT MULA SA PNA