ISABELA – WINASAK ng Department of Trade and Industry (DTI)- Isabela ang libo-libong non-certified products o pekeng produkto na nasamsam sa Ilagan City.
Sa talaan ng DTI-Isabela ay umabot sa 3,466 na non-certified products ang nasamsam ng enforcement unit mula sa ilang bahay kalakal sa mga lungsod at bayan sa Isabela.
Ayon kay Ginoong Elmer Agorto, enforcement officer ng DTI Isabela, na karamihan umano sa kanilang nasamsam ay delikadong gamitin na maaring magsanhi ng aksidente lalo na ang iba’t ibang brands ng mga lighter na aabot sa 1, 495, bago sinira ang mga lighter ay inilubog muna sa tubig upang matiyak na hindi sasabog.
Isang brand ng electrical tape na may kabuuang bilang na 988, mga extension wire na umabot sa 383, apat na brand ng christmas lights na umabot sa 133 at iba pang mga non-certified product.
Umabot sa higit P85,000 ang halaga ng mga produkto na mano-manong sinira ng DTI Isabela at isinakay ang mga ito sa garbage truck at itinapon sa landfill sa Sta. Catalina, Lungsod ng Ilagan.
Ayon kay Ginoong Agorto, bago sinira ang mga nasamsam na produkto ay tiniyak nilang may paglabag sa batas ang mga establisimiyento na nagbebenta sa mga ito, at ilan sa kanilang mga paglabag ay ang kawalan ng sertipikasyon mula sa DTI. IRENE GONZALES
Comments are closed.