P86-M DANYOS SA MINDANAO 6.3 MAGNITUDE QUAKE

Lindol sa mindanao

SUMAMPA sa P86 milyon ang pinsala ng magnitude 6.3 na lindol na tumama sa Mindanao noong Oktubre 16 kung saan apektado ang ilang tulay, kalsada, paaralan, ospital at iba pang establisimiyento.

Ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH)- Regional Office 12, ilan sa mga imprastraktura ay partially damaged at patuloy na binabantayan dahil sa aftershocks.

Lahat naman ng kalsada at tulay sa Min­danao ay nananatiling passable o nadadaanan ayon sa DPWH.

Nagtamo ng cracks o lamat ang bridge bank protection ng Olandang Bridges 2 at 3 sa Midsayap-Makar Road; bridge abutment ng Malupog at Malitubog Bridges sa Banisilan-Guiling Road; gayundin ang bridge bank protection ng Arizona at Upper Panicupan Bridge sa Dualing-New Panay Road; at ang Dualing-Baliki Silki Road sa North Cotabato.

Naapektuhan din ng lindol ang ilan pang tulay tulad ng Buayan Bridge sa Digos-Makar Road sa Sarangani at ang Upper Silway Bridge sa Albert Morrow Boulebard sa South Cotabato.

Full rehabilitation ang kinakailangan sa Hall of Justice sa Sa­daan, Cotabato matapos ang malubhang pinsala.

Nadiskubre rin ang minor cracks sa mga pader ng Aleosan District Hospital sa Dualing Cotabato.

Napinsala rin ang ilang eskuwelahan partikular ang Dilangalen National High School, Southern Christian College, at Notre Dame of Midsayap College sa North Cotabato, at New Isabela Elementary School, San Emmanuel National High School, at Pres Quirino National High School sa Sultan Kudarat.

Ayon kay DPWH Sec. Mark Villar, patuloy silang makikipag-ugnayan sa district offices ng kagawaran sa rehiyon para sa pagsasagawa ng damage assessment. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM

Comments are closed.