NASAMSAM ng pinagsanib na puwersa ng mga awtoridad ang mahigit 300,000 kilong expired na isda, karne, at prutas na nagkakahalaga ng P87 milyon sa mga cold storage facility sa Navotas City.
Hinala ng Department of Agriculture (DA)na ibinebenta pa ang mga expired na produkto habang iniinspeksyon nila ang mga pasilidad matapos makatanggap ng tip na ito umano ay nag-iimbak ng mga smuggled na produkto.
Ayon kay Dennis Solomon ng DA Inspectorate and Enforcement Office, sa amoy pa lang nang buksan ang cold storage, umaalingasaw na ang amoy at tumambad sa kanila ang mga bulok na galunggong, karne at gulay.
Kasunod ng imbestigasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Customs (BOC), DA Inspectorate and Enforcement Office, at Philippine Coast Guard (PCG), ininspeksyon ng mga awtoridad ang 13 cold storage facility sa kahabaan ng M. Naval Street sa Navotas City .
Ang mga cold storage ay tinatakan upang maiwasan ang paglabas ng mga expired na produkto kung saan ay nakatakdang sunugin at ibabaon sa lupa.
Dagdag dito, ang mga produkto ay pag-aari ng ilang katao na binigyan ng 15 araw upang ipakita ang mga kaukulang dokumento na may kaugnayan sa naturang mga produkto. EVELYN GARCIA