P9.12M HALAGA NG MJ, KUMPISKADO SA 3 HVI REGIONAL LEVEL SUSPECT NG EPD

KALABOSO  ang tatlong suspek na nakatala sa regional high value individual na nakumpiskahan ng P9.12 milyon ng marijuana kahapon sa Pasig City.

Sa ulat ni P/Col. Wilson Asueta, EPD-district director ng Eastern Police District kay NCRPO-Regional Director P/BGen. Jonnel Estomo, kinilala ang nadakip na sina Bjoryaniel Cruz, 21 anyos ng Brgy. Kapasigan, Pasig City; Kent Louie Cruz, 38 anyos, Brgy., Batasan Hills, Quezon City at si Lexi Cruz, 40 anyos ng Kapasigan.

Ayon sa ulat, dakong 6:30 ng umaga nang madakip sa joint operation ng anti-illegal drugs ng mga operatiba ang tatlong suspek sa Bluementritt St., Brgy., Kapasigan.

Lumilitaw sa imbestigasyon, matapos ang ilang beses na surveillance at koordinasyon sa PDEA , sinalakay ng mga operatiba ang lugar na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek.

Nakuha sa mga ito ang anim na piraso ng transparent plastic na nakabalot ng mga tuyong dahon ng hinihinalang kush (high grade marijuana) na may timbang na anim na kilo at nagkakahalaga ng P8,400,000.00 at kulang anim na kilo ng marijuana na may halagang P720, 000.

Dinala ang mga naarestong suspek sa opisina ng DDEU para sa kaukulang dokumentasyon, at itinurn-over sa EPD Forensic Unit para sa drug test.

Ang mga nakumpiskang piraso ng ebidensya ay isinumite rin para sa laboratory examination. ELMA MORALES