(P9.180-M shabu nasamsam) PDEA CHIEF NG SPD, 3 PA TIMBOG BUY BUST

MATAGUMPAY na nasakote ng pinagsanib na puwersa ng mga operatiba ang apat katao na kinabibilangan ng hepe ng PDEA Southern District Field Office, dalawang agent at isang driver kasabay ng pagkakakumpiska ng mahigit P9 milyong halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation sa A. Bonifacio St., Brgy. Upper Bicutan, Taguig City.

Batay sa report na nakarating sa tanggapan ni NCRPO ARD PBGen. Jonnel Estomo, ang mga nasakote ay nakilalang sina Enrique Gumba Lucero, hepe ng PDEA SDO; Anthony Vic Alcazar Alabastro; Jaireh Azores Llagano at ang driver na si Mark Warren Sural, pawang nakatalaga sa PDEA-SDO na matatagpuan sa loob ng Southern Police District sa Fort Bonifacio, Taguig City.

Ayon sa report, naganap ang buy-bust operation dakong alas-9 ng gabi nitong Martes sa mismong tanggapan ng PDEA-SDO.

Kumilos ang mga pinagsanib na puwersa ng Regional Drug Enforcement Unit-NCRPO kasama ang Regional Intelligence Division-PCol. Romano V. Cardino, PDEA Special Operations Unit-NCR, Southern Police District (SPD) Mobile Force Batallion, SDD, Taguig City Police DEU, 35 SAC NCRPO at PDEA NCR matapos na magsagawa ng pakikipag-ugnayan ang PDEA sa RO-NCR sa ilalim ng Coordination Form and Pre-Ops report no.10001-122022-0156 na may petsang Disyembre 6, 2022 kung saan ginawa ang buy-bust operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa naturang mga suspek.

Nakuha mula sa mga suspek ang 3 pirasong maliit na knot-tied transparent sacket na naglalaman ng shabu na tumitimbang ng humigit kumulang sa 100 gramo at nagkakahalaga ng P680,000.00, isang malaking self-sealing plastic na naglalaman ng shabu na tumitimbang 1,250 gramo na nagkakahalaga ng P8.5 milyon at isang piraso ng cash bill na one thousand pesos at 99 pcs. na pekeng isang libo na ginamit bilang buy-bust money, 4 na pirasong baril, isang digital na timbangan.

Ang mga suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya na ng RDEU-NCRPO habang ihinahanda ang kaukulang kasong isasampa sa mga ito.

Pinapurihan naman ng Department of Interior and Local Government (DILG) na binansagang “BIDA’’ o Buhay Ingatan, Droga ay Ayawan at ng S.A.F.E. NCRPO ARD PBGen Jonnel C. Estomo, ang mga pinagsanib na operatiba sa matagumpay na pagkakadakip sa mga suspek.

“Team NCRPO will continue to combat illegal drugs in the region. Patuloy tayo sa pagpapatupad ng batas ng pantay-pantay at walang kinikilingan ang sinumang may kinalaman sa droga,” ayon naman kay Estomo.
EVELYN GARCIA