P9.2-B NA BUDGET REALIGNMENTS INILATAG

cayetano

INILATAG ni House Speaker Allan Peter  Cayetano ang nasa kabuuang P9.2 bilyon na isusulong nilang ‘fund realignment’ bilang siyang ‘institutional amendments’ ng lower house sa P4.1 tril­yon na panukalang pambansang budget sa taong 2020.

Pinakamalaking halaga ang mapupunta sa Department of Agriculture (DA) na P3.5B kung saan ang P3 bil­yon ay para sa pambili ng palay at ang P500 milyon naman ay bilang ‘quick response budget’.

Bibigyan naman ng tig-isang bilyong piso na karagdadang alokasyon ng DILG-PNP at DND-AFP na gagamitin para sa pagsasaa­yos ng kampo ng mga ito.

Ang Department of Education (DepEd) naman ay bibigyan ng dagdag na P800 milyon; P500-M sa Department of Environment and Natural Resources (DENR); P500M sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA); P500-M sa Philippine Sports Commission (PSC); P200-M sa Department of Health (DOH); P200M sa UP-PGH; P274.95 milyon sa Department of Transportation (DOTr) at P250M naman sa Dangerous Drugs Board (DDB).

Kukunin ang P9.2 bilyon na ‘budget realignment’ mula sa P5.77 bilyon na para sa pangtustos dapat ng Commission on Elections (Comelec) sa pagdaraos ng May 2020 Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) polls, na hiniling ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga mambabatas na maipagpaliban.

Gayundin ang kakalta­sing P3.75 bilyon mula sa ilalaang budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pagbabayad nito ng ‘right of way’ o sa mga ari-arian na masasapol ng kanilang infrastructure projects.  ROMER R. BUTUYAN