DAVAO OCCIDENTAL- AABOT sa P9.89 milyong halaga ng gusaling itinatayo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na magsisilbing bagong Regional Trial Court (RTC) sa Munisipyo ng Malia sa lalawigang ito.
Pinondohan sa ilalim ng 2023 General Appropriations Act (GAA), ang pagtatayo ng gusali ng RTC na kung saan ang DPWH Davao Occidental District Engineering Office (DEO) ang implementing office.
Ayon kay DPWH Secretary Manuel M. Bonoan, ang building project na matatagpuan sa local government center sa Barangay Lacaron sa bayan ng Malita ay nasa 50.65% na ang natatapos.
Kasama sa proyekto ng gusali ang mga courtroom at session hall; mga opisina at workstation; mga silid ng pagpupulong; at iba pang amenities na idinisenyo upang mapabuti ang kalidad ng serbisyo ng RTC.
Magbibigay nang kaaya-aya at ligtas na espasyo para sa mga hukom, abogado, litigante at mga tauhan ng RTC sa pagsasagawa ng kanilang mga tungkulin at responsibilidad sa pagtiyak ng patas at mahusay na paghahatid ng hustisya kapag natapos ito.
PAULA ANTOLIN