P900-M SMUGGLED GOODS NASABAT

BULACAN-TINATAYANG nasa ma­higit P900 million ng mga hinihina­lang counterfeit at smuggled goods ang nasamsam sa ikinasang anti smuggling operation ng Bureau of Custom, Philippine National police at Philippine Coast Guard sa Plaridel sa lalawigang ito.

Batay sa ulat isang malaking bodega ang sinalakay ng Aduana sa pakikipagtulungan ng Manila International Container Port (MICP), Intelligence Group, Enforcement Group, PNP , PCG at lokal na barangay.

Agad na inilunsad ang anti-smuggling operation matapos na binigyang bisa ito ni Commissioner Bienvenido Rubio matapos maglabas ng Letter of Authority upang masuri ng BOC composite team ang bodega na matatagpuan sa bayan ng Plaridel.

Matapos ang masusing pagsusuri, nadiskubre ng BOC ang isang imbak ng mga sigarilyo, general merchandise, housewares, kitchenware, at counterfeit goods na hinihinalang ipinuslit sa bansa.

Ipinag-utos na pansamantala munang isinara ang malaking bodega kung saan natagpuan ang smuggled items hanggat hindi ipinakikita ng may-ari nito ng mga kinakailangan dokumento kabilang na ang patunay na pagbabayad ng mga tungkulin at tamang buwis gayundin ang permit sa pag-aangkat ng mga ang produkto. VERLIN RUIZ