P904 M SANGKAP NG SHABU WINASAK

MAHIGIT sa P904 milyong halaga ng mga nakumpiskang iba’t-ibang kemikal at kagamitan sa paggawa ng mga illegal na droga ang winasak ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang pasilidad sa Valenzuela City kahapon ng umaga.

Nabatid kay PDEA Director General Wilkins Villanueva, ang mga sinira nila ay para sa paggawa ng shabu o metamphetamine hydrochloride at ang pinakamalaking halaga ng controlled precursors and essential chemicals (CPECs) na kanilang winasak sa buong kasaysayan ng kanilang ahensiya.

Ayon kay Villanueva, kabilang sa mga kemikal na winasak ay ang mahigit P108.3 milyong halaga ng liquid chemicals; mahigit P708 milyong halaga ng solid chemicals at mahigit P11.7 milyong halaga naman ng laboratory equipment.

Nagsilbing pangunahing saksi sa seremonya na isinagawa sa pasilidad ng Green Planet Management Inc., sa Valenzuela, si Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian at mga kinatawan ng Department of Justice (DOJ), Department of Interior and Local Government (DILG) .

Kaugnay nito, pinuri rin ni Villanueva ang iba’t-ibang hukuman sa bansa dahil sa mabilis na disposisyon ng mga kemikal at kagamitan, na pawang nakumpiska ng mga awtoridad sa mga ikinasang anti-drug operation at ginamit na ebidensiya sa mga kasong naisampa sa mga naarestong drug suspects.

Sa kabilang dako, sinabi ni Villanueva na hinihintay pa nila ang order mula sa korte para sa destruction sa natitira pang 13 tonelada ng mga chemicals, precursors at laboratory equipment. na nakaimbak pa sa kanilang storage facility.

Tuloy tuloy pa rin ang ginagawang pakikipag ugnayan ng PDEA sa kanilang foreign counterparts, para matuldukan na ang pagpasok ng mga droga sa bansa.

Inihayag ng PDEA na patuloy nilang tinututukan ngayon ng PNP ang notorious International drug syndicate ang Golden Triangle na nag-ooperate sa South East Asia. EVELYN GARCIA/ VERLIN RUIZ

Comments are closed.