P92.2-M SHABU NASABAT SA MAG-INANG AFRICAN

HAWAK ngayon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mag-ina mula sa South Africa matapos dakpin sa tangkang pagpuslit ng tinatayang nasa P92.24 milyon halaga ng shabu papasok ng Pilipinas.

Batay sa ulat, isa na naman illegal drug courier mula South Africa ang tangkang magpasok ng shabu sa bansa ang nalambat ng pinagsanib na puwersa ng Bureau of Customs (BOC), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) sa NAIA Terminal 3, Pasay City.

Nabatid na galing Johannesburg, South Africa ang 40-anyos na ginang kasama ang umano’y anak nito na sakay ng flight EK 334 bandang alas-11 kamakalawa ng gabi.

Nadiskubre ng mga awtoridad ang nakatagong iligal na droga sa false compartment ng luggage na dala ng ginang.

Dahil sa kahinahinalang substance ay agad na hiniling ng Customs Anti-Illegal Drug Task Force (CAIDTF) na suriin ito at lumitaw na positibong shabu ang ipupuslit ng banyagang courier.

Tinatayang nasa 13,565 gramo ng shabu na may street value na aabot sa P92,242,000.00.

Magugunitang kamakailan lamang ay may isang Norwegian passenger ang nahulihan ng nasa 8.34 kilos ng shabu na may halagang P56.7 milyon.

Inihahanda na ang PDEA ang kaukulang kasong ihahain para sa inquest proceedings kaugnay sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act (Republic Act 9165) in relation to Sections 118 (Prohibited Importation), 1113 (Goods Liable for Seizure and Forfeiture) at 1401 (Unlawful Importation) of the Republic Act 10863, otherwise known as the Customs Modernization and Tariff Act (CMTA). VERLIN RUIZ