(P990 to P995 kada bag ng urea fertilizer kaduda-duda) DA CHIEF DAPAT BUSISIIN ANG CONTRACT PRICE NG UREA FERTILIZER

Urea

UMAPELA ang grupong Pambansang Mannalon, Mag-uuma, Magbabaul, Magsasaka ng Pilipinas (P4MP) kay Agriculture Secretary William Dar na busisiing mabuti ang mga ibinibigay na impormasyon ng kanyang mga opisyal upang makaiwas sa pagkakamali lalo na sa pres­yo ng urea fertilizer na nauwi sa overpricing na umabot sa P1.8 billion ang kontrata.

Hinamon din ni Ottociano Manalo, national president ng P4MP, isang affiliated Agricultural Training Institute ng DA, ang kagawaran kung kayang makabili ng urea fertilizer na ang halaga ay P1,000 habang ang tunay na retail price nito sa merkado ay mas mababa pa sa P850.

Giit ni Manalo na da­ting pangulo ng Irrigator’s Association of Pangasinan na siya mismo ay nakabili ng dalawang bag ng urea fertilizer noong Biyernes kung saan ang isa ay P830 habang ang isa ay P810 na pawang idineliber pa sa kanyang bahay na may layong anim na kilometro mula sa isang outlet sa Rosales, Pangasinan.

“That means the retail price already includes the delivery charge,” ayon pa kay Manalo.

Nangangahulugan aniya na ang presyong P990 o P995 kada bag sa supply contract ay mataas at mali.

Noong isang buwan ay inilabas ang notices of award para sa P1.8 billion fertilizer contract na hinati sa  La Filipina Uy Gongco Corporation na nagkakahalaga na P1.69 billion para sa urea fertilizer supply contract sa Region 4-A, 6 at 3 sa halagang P990 to P995 per bag at sa Atlas Fertilizer para sa P96.74 million na ang pres­yo ay P900 per bag para sa Region 7.

Nagtanong din umano si Manalo sa P4MP stakeholder sa ibang region kung magkano ba talaga ang retail price para sa urea fertilizer at wala namang tumugon na P900 ang presyo kada bag.

Nilinaw naman ni Manalo na nananatili siyang naniniwala sa integridad ni Dar at maaari aniyang nabigyan lamang siya ng maling impormasyon ng kanyang mga tauhan.

Magugunitang sinabi ni Dar na halos nasa P1,000 ang price contract ng kada bag ng urea na mas mura kaysa sa national average retail price na nasa P1,043 hanggang P1,062 per bag noong Marso hanggang Mayo.

Habang iginiit naman ni Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) chairman Rosendo So na dapat makipag-negotiate ang DA sa mas mababang presyo ng nasabing fertilizer dahil bulk buying ang kanilang transaksiyon na nasa 1.8 million bags at direkta sa importer sila bibili.

“DA is claiming the higher contract price would cover distribution costs but it is the same for retail outlets. In fact, for retail stores, you go through the importer, the distributor, and the dealer until it reaches the retailer. And at every step there is additional cost, yet the retail price average is only P850,” giit pa ni So.

Nais naman ni Joseph Canlas, chairman ng Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luzon na imbestigahan ng Ombudsman ang kuwestiyonableng supply contracts motu propio. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM

Comments are closed.