NGAYON ay ika-30 ng Oktubre. Mula Sabado hanggang Lunes, tayo ay may tinatawag na ‘long weekend’ dahil ang ika-2 ng Nobyembre ay idineklara ng Palayso bilang pista opisyal sa pag-alala sa mga minamahal natin sa buhay na pumanaw na.
Bagaman pista opisyal sa Lunes, pinaaalala ng Malacañang na bawal bumisita sa lahat ng uri ng sementeryo mula kahapon hanggang sa ika-4 ng Nobyembre. Ito ay alinsunod sa utos ng Inter-Agency Task Force (IATF) laban sa paglaganap ng COVID-19.
Ito na yata ang kauna-unahang pangyayari sa ating kasaysayan na ipinagbawal ang taunang tradisyon ng mga Filipono na bisitahin ang mga puntod ng kanilang mga mahal sa buhay. Ito na nga ang sinasabi nating ‘new normal’ upang makaiwas sa pagkalat ng sakit na COVID-19. Pag-sapit ng Disyembre ay kakaiba naman ang mararanasan natin sa panahon ng Kapaskuhan. Tila ipagbabawal din ng ating pamahalaan ang mga Christmas party at pagtitipon ng mga pamilya na sadyang tradisyon tuwing Pasko. Ano naman kaya ang susunod na magiging kautusan sa pag-salubong natin sa Bagong Taon?
Inaasahan na ang lahat ng mga lokal na pamahalaan sa buong bansa ay tatalima sa nasabing kautusan. Pampubliko o pribadong sementeryo ay hindi maaaring magbukas upang papasukin ang mga taong nais bumisita hanggang sa ika-4 ng Nobyembre.
Dagdag pa rito ay ang pagpasok ng nagbabadyang masungit na panahon bukas. Ayon sa PAGASA, ang paparating na bagyong Rolly ay tila tatahakin ang dinaanan ng bagyong Quinta noong nakalipas na ilang araw, subalit mas malakas ang dadalhin na ulan at hangin.
Ayon sa ulat, si ‘Quinta’ ay nag-iwan ng mahigit 16 na patay at nagdulot ng nagkakahalaga ng mahigit na P737 milyon na pinsala sa ating agrikultura at mga imprastraktura. Tatama raw sa kalupaan natin si ‘Rolly’ sa ika-1 o ika-2 ng Nobyembre. Sakto sa Undas.
Tila nakikiisa ang kalikasan sa pagpapatupad ng kautusan ng IATF sa pagbabawal sa pagbisita sa panahon ng Undas.
Kaya naman mas mabuti pa na magdasal na lang tayo sa ating mga tahanan at magpasalamat sa Diyos sa pagkakataon na ibinigay sa atin ng mga mahal natin sa buhay na nag-iwan ng mga magagandang alaala noong buhay pa sila.
Magpasalamat din tayo sa mga mahal natin sa buhay na nasa kabilang buhay sa mga kanilang iniwan na gabay sa atin at tulong noong buhay pa sila. Ito ang pinakamagandang uri ng pagpupugay natin sa kanila.
Comments are closed.