PINAALALAHANAN ng isang opisyal ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang mga pari ng Simbahang Katolika na huwag maningil ng bayad para sa gagawing pagbabasbas sa mga puntod ng mga yumao ngayong Undas.
Ayon kay Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, na siya ring bise presidente ng CBCP, dapat na bigyan ng konsiderasyon ang mga mahihirap at gawing boluntaryong kontribusyon lamang ang ibigay ng mga nais na magpabasbas sa puntod ng kanilang mahal sa buhay.
Iginiit ng Obispo, bukod sa dahan-dahan nang tinatanggal ang arancel system ng Simbahan, bahagi rin ng tradisyon ng simbahan ang ‘gratis’ o walang bayad at hindi pagkaitan ng sakramento o serbisyo ng Simbahan.
“Bigyan naman po ninyo ng konsiderasyon lalo na ang mga dukha, na sana boluntaryo na lang ang kontribusyon ang mga basbas,” ani David.
Nabatid na si David ay nakatakdang magmisa sa La Loma Cemetery sa Nobyembre 2, ‘All Souls’ Day’ at magsasagawa rin ng pagbabasbas sa mga puntod kasama ang mga seminarista ng Kalookan at lay eucharistic ministers.
Ayon sa Obispo, ang gagawin nilang pagbabasbas ay libre.
Hinikayat din niya ang publiko na i-report sa pamunuan ng sementeryo kung may maniningil sa pagbibigay ng basbas sa mga puntod.
Samantala, muli ring nanawagan si David sa mga mamamayan na panatilihin ang kalinisan sa mga sementeryo ngayong Undas.
“Maging pangunahin sana para atin ay ‘yung pagbibigay galang sa ating mga yumao, pananalangin ng sama-sama,” ayon kay David.
Ipinaalala ng Obispo na nakaugalian na ng mga tao na iwanan ang kanilang mga basura sa mga puntod kung saan sila nagtipon at nagsalo-salu kasama ang pamilya.
“Maging responsable sa ating mga panapon sa ating mga solid waste. At huwag iiwan sa mga sementeryo, ang dinala mo, dalhin mo din,” paalala pa niya.
Hinimok ng Obispo ang publiko na maging responsable sa mga basura, huwag iwanan sa mga sementeryo at iwasan ang paggamit ng mga plastik. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.