PINAG-IINGAT ng pangulo ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang mga mananampalataya laban sa pekeng propeta at preacher na nagpapakalat umano ng mga maling katuruan sa mga Katoliko.
Ang babala ay ginawa ni CBCP President at Davao Archbishop Romulo Valles sa isang liham para sa mga diyosesis sa bansa na may petsang Hunyo 29.
Sa naturang liham, hinikayat ni Valles ang mga mananampalataya na mag-ingat laban sa grupong tinatawag na “Maria Divine Mercy” na nagpapakalat aniya ng kalituhan at ‘erroneous, false at distorted teachings.’
Nabatid na ang pangalan ng grupo ay hango sa pinaniniwalaang isang self-proclaimed Irish seer, na tinatawag na Mary Carber-ry, na nagsasabing nakatatanggap siya ng mensahe mula kay Hesukristo at kay Birheng Maria.
Kabilang umano sa mga mensahe ang apocalyptic predictions hinggil sa pagbibitiw ni Pope Benedict XVI at mga salitang nagpapahayag na si Pope Francis ay isang ‘false prophet.’
“They bring confusion and propagate erroneous, false and distorted teachings to our Catholic faithful,” ani Valles.
Nabatid na hanggang sa kasalukuyan ay maraming tagasunod si Mary Carberry sa ibang bansa.
Sa Filipinas, mayroon rin umanong aktibidad ang grupo sa Cebu, Iloilo, Bukidnon, Zamboanga at Batangas.
Ang liham ni Valles ay nag-ugat sa reklamo ng mga deboto ng Divine Mercy, na ipinaabot sa pamamagitan ni Balanga Bishop Ruperto Santos, na siya ring episcopal coordinator ng World Apostolic Congress on Mercy (WACOM) Asia, at nagsabing nakaaalarma ang mga aktibidad ng grupo sa bansa. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.