MULING nagpaalala ang Commission on Elections (Comelec) sa mga kumandidato sa lokal at nasyunal na posisyon nitong nakalipas na eleksiyon tungkol sa kanilang Statement of Contribution and Expenditures (SOCE).
Ayon kay Commissioner George Garcia, hanggang Hunyo 8 na lamang ang pagpa-file ng SOCE at hindi na nila tatanggapin ang mga dokumentong magpapasa nang lagpas sa ibinigay na palugit.
Aniya, sakop ng pagpapasa ng SOCE ang mga kandidatong nag-withdraw, natalo at nanalo sa tinakbuhang posisyon.
Giit ni Garcia, hindi na nila papalawigin pa ang itinakdang deadline.
Ang sinuman aniyang bigo o hindi nagsumite ng SOCE ay mahaharap sa kaso at multa habang perpetual disqualification to hold public office ang parusa kung dalawang beses nang hindi nag-file ng SOCE.
Nabatid na aabot sa 500 kandidato mula sa mga nagdaang eleksiyon ang nahaharap sa posibleng perpetual disqualification sa anumang posisyon sa gobyerno. DWIZ882